Monday, January 23, 2017

Jojo

Jojo, September 2016
Saan ka man ngayon, harinawa'y naghahabi ka pa rin ng mga nakakaaliw na mga kuwento tungkol sa iyong girlfriend forever, tungkol sa kagitingan mo bilang hari ng tahanan (Alas siyempre ang gff) -- malikhaing kusinero, dalubhasa sa paghiwalay ng puti sa may kulay na lalabhan, masigasig sa pagpalit ng diaper nang sanggol: kaibigang tunay ng rice cooker at washing machine (o kalan man at batya) at magiliw na lolo sa apong kasalo sa mga laruan.

Sa Gibson na gawa ng Lumanog o mas abang pinsan na gitara, di man plakado ang mga chords mo sa Beatles hanep naman ang hataw mo sa lyrics. Hamak na mas bata tayo nung mula sa kulo ng utak ay napipiga ang anu-anong kathang-isip na naging laman ng People's Tonight. Di ba masaya tayo kahit hindi bottomless ang ating suweldo? Itinatabig ng pagkalulong sa paglikha ng hugot-lines at kuwentong kenkoy ang katotohanang lagi tayong sawi sa pera. Paglipas ng dalawampung taon makita kang naghahabi sa FB ng ilang vignette tungkol kay Nette, si girlfriend forever, kumander ng iyong puso. Panday ka pa rin ng mga nakakatuwa at kakatwang salaysay. Higit sa lahat, ipinakita mong masaya at marangal ang buhay hangga't alam mong kalikutin ang mga alphabets at maghasik ng katatawanan, palitan ang lyrics ng isang awit para maisingit mo ang initials ng pangalan ng lovey-dovey mo, at ipaalam sa amin ni pareng Abner na naiintindihan mo ang pagsubok na ginagapang ng mga naglalakas-loob magsulat.

Nauna ka lang sa amin, at magkita tayong muli. Harinawa.

No comments: