Monday, November 14, 2016

Simulan na ang piging ng mga uod


Putsa! Nagsisimula pa lang sa DZMM ang MMK kaninang ala-una at inilalatag pa lang ang love story ni Rica Peralejo nang ibinulabog ng newsbreak ang napakawalang-kwentang anunsiyo na nagdesisyon na ang Korte Suprema na ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Eh di ilibing! Alisin na sa eskaparateng aircon yang berdugong yan at ibaon na sa lupa. Simulan ng ang Piging ng mga Uod.

Ewan ko ba bakit binibigyan ng respeto ang mga putanginang mga hukom ng Korte Suprema ganyang halata namang nasuhulan ang mga impakto (at dalawang impakta). Ngayong November 8 nagkunwang nagbotohan ang mga tarantado, pero kahapon pa ay kalat na ang magiging desisyon, di nga lang sigurado kung walo o siyam ang lihis ang wisyo sa kanila. Ngayon alam nating siyam na nga, at posibleng sampo, kung di maipaliwanag nang mabuti nung isa bakit tumabla at nag-recuse siya. Ang sigurado dito, kumita nang malaki ang ilan sa kanila at inaareglo na nila ang pagtago ng hidden wealth mula sa BIR. Di sila takot na malaman ito ng nga anak-pawis: Tingnan mo, nagwawagayway ang maraming hakot na loyalists, ni hindi nila alam na ang ipinambayad sa kanila ay matagal nang ninakaw sa kanilang ninuno.

At ang oposisyon? Ha ha ha! Tingnan mo si Colmenares, kukumbinsihin daw niya si Duterte na bumaligtad sa pagbigay ng dangal sa kapwa berdugong pangulo. Hay naku, yan ang bayad ni Digong sa mga Marcos para dun sa solid na boto ng mga panggalatok sa kanya nung election. Ginamit lang front si Miriam para humatak ng boto para kay Bongbong. Ano pa ang sabi ni Colmanares? Magmo-motion for reconsideration pa raw! Anong akala niya, isosoli ng mga ganid na hukom yung ibinayad sa kanila? Itong kay Digong talagang napaka-voluntary ng bayad niya sa mga among Marcos -- sa patay na Marcos, sa matronang Marcos, sa mga anak ng Marcos na ewan lang ba't magkadikit ang itaas at ibabang mga ngipin kung magsalita. Himod-Marcos itong ating loyalist na panggulo ng bayan. Pero itong mga ganid at dupang na mga hukom, laging gutom ang mga bank account ng mga pinsang-buo ni Satanas na mga yan. Respect the rule of law daw. Pwepwepwepweh!

Speaking of the devil, pag ililibing na ang Marcos na yan, di ba aalisin na sa kanyang estante? Di ba mainit sa labas kung wala nang aircon? At di ba mas mainit du'n sa pupuntahan niyan? Anyway, bago sa final and sizzling destination niya ay pararangalan muna siya ni Digong -- military honor bilang dating presidenteng pinagnakawan ang mga kababayan na ang karamiha'y pati mga sira-ulong anak at apo ay pumapalakpak pa; at bilang dating sundalo nung World War II, na pinaghahanap ng mga Pilipinong gerilya para bitayin dahil kasabwat pala ng mga Hapon. (Nasa record na pinatay ng mga gerilya ang kanyang tatay noon dahil tauhan ito ng mga Hapon.) May 21-gun salute pang pa-bon voyage sa kanya, sa halip na bala ng firing squad ng mga gerilya noon. Anyway, kahit gaano pakintabin ni Duterte ang seremonya, bandang huli ay ibabaon din ang Marcos na yan sa lupa -- wala nang preservatives, wala nang eskaparate, wala nang freon -- kung saan naghihintay ang mga barkadang uod para gawing pulutan si Mr. Maharlika.

Pero pupunta nga ba ang kaluluwa nito sa impiyerno? Assuming na hindi halang ang nabanggit na kaluluwa at pumalaot nga sa Super Sauna sa Ibaba, marahil ay dapat kumapit nang mahigpit itong si Bad Boy Lucifer sa kanyang trono at baka isang nagliliyab na umaga ay magising siyang iba na ang hari ng Hell 1081. Ang lakas pa namang mag-power extension ng mamang iyan, kuwidaw ang octopus outlet.

Natatawa ako minsan sa mga Marcos, kay Digong, kay Estelito at mga kalaro niyang mga hukom, sa mga nagtitilamsikang mga loyalists -- nagplano, nagpondo, nakipagbulungan, nag-buy and sell ng ilang kaluluwa, para makarating sa araw na ito, na sabihing puwede nang itulos sa hahalayin nilang libingan ang labi ng isang kung di lang engot ay dapat kampante na sa 24/7 na air conditioned Funko Pop case niya. Doon ay mananatiling buo pa sana ang kanyang katawang lupa at nakapustura pa. Pero ngayon, kahit magpumiglas ka, dedong Marcos, mag-uusap ang iyong junior, at iyong airhead na asawa, at iba pang alipores, para itakda kung kailan ka i-e-evict diyan, at pababayaan ka nang maagnas, at maging lamang-tiyan ng mga bulate. Weather-weather lang, ika nga: nung bata ka may bulate ka sa tiyan; ngayon, ikaw ang nasa tiyan ng bulate.

Sinong may sabing walang hustisya sa lupa?

No comments: