ANG usapan nilang mag-asawa, kapag may isang nagkasakit nang malubha, hindi na pahahabain pa ang paghihirap niya.
May tawag kami diyan dito: “DNR” o “do not rescuscitate” o “allow for natural death.”
Joke lang po. Ang totoo po, hindi po angkop ang waiver na iyan sa ikukuwento ko sa inyo.
Halos naman siguro ng mga mag-asawa
dumating sa ganitong usapan, lalo na kung hindi naman mayaman. Isa sa
mga pangunahing dahilan kung bakit ayaw nating maratay nang matagal sa
banig ng karamdaman: Ayaw nating pahirapan ang mga mahal natin sa buhay;
mentally, emotionally, physically — at higit sa lahat — financially.
Hirap kasing isipin na mawawala ka
sa mundo at iiwanan mo pa nang sandamukal na problema at mga utang ang
mga mahal mo sa buhay. Hindi ba naman, ‘yan ang madalas na kinakatakutan
natin?
Uulitin ko, ganoon nga ang naging usapan nina Pareng Jojo at Mareng Nette.
Noong nakaraang Huwebes (Oktubre
13), nagulat kami ni misis sa Facebook post ni Mareng Nette. Inatake si
Pareng Jojo. Naitakbo pa siya ospital pero hindi na umabot nang buhay.
“Bigla, wala man lang signos,” kuwento ni mare kay misis nang mag-usap sila sa voice call ng messenger.
Pumanaw si Pareng Jojo isang araw
bago magdiwang ng kanyang kaarawan ang kanyang maybahay. Ang sakit ‘di
ba? Kung tayo ang nasa katayuan ni mare, kakayanin kaya natin ito?
Sa aming mga Katoliko, sagrado ang
pagiging magkumpare. Bagama’t hindi naman talaga kami ganoon kadikit,
mayroon kaming matibay na hugpong. Una na nga, ‘yung inaanak namin sa
kanilang mag-asawa. Pangalawa, bilang magka-opisina, magka-trabaho,
magkabaro sa industriya ng pamamahayag.
Prudencio Mejia ang tunay na pangalan ni pare. (Basta Jojo, Jun o Junior ang palayaw, asahan mo na medyo sinauna ang tunay na pangalan niyan).
Nakilala siya sa byline na Jojo Mejia. Matagal kaming nagkasama sa People’s Tonight. Nagkaroon siya ng kolum sa diaryo namin noon na kinagiliwan ng marami. Mahusay na manunulat, may sense of humor at may malasakit sa mga tao, sa lipunan at sa bayan.
Halos kailan lang, nagpapalitan kami ng like
sa FB. Pinupuri niya ako ‘pag may nagustuhan siya sa mga isinulat ko,
at ganoon din naman ako sa kanya. Noong minsan, sa tuwa niya sa isang FB
post ko, binansagan niyang Abnerism ang aking sense of humor.
Kaming mga diyarista o mamamahayag,
hindi palaging nagkakasundo sa aming mga paniniwala. Pero nitong
kamakailan, dikit na dikit ang mga opinyon namin sa mga kaganapan sa
bayan natin. Kasama ang isa pa naming kumpare, si William “Pogi” Chua na
beterano rin ng People’s Tonight (at aaminin kong pinakamahusay sa aming tatlo) kapit-bisig at “kapit-pluma” kami.
Saklap! Nabawasan kami. Malungkot. Pero siyempre tuloy ang laban.
Iniisip ko, siguro masaya naman si
Pareng Jojo kung saan man siya naroon ngayon. Hindi niya naabala ang
pamilya niya. Hindi sila naiwanan ng utang sa gamot, doktor at ospital.
Hindi sila nahirapan na makita siyang nahihirapan. Ganoon ‘yun, di ba?
Harinawa, maging maalwan ang paglalakbay ni Pareng Jojo patungo sa kung saan man ang hantungan ng buhay.
*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat. Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.
1 comment:
We loved the articles of MR Jojo Mejia.... there revolved a lot of very fond conversations. We even planned to write him a letter saying how much his articles became special parts of our days. Harinawa.
Post a Comment