Sunday, August 2, 2015

Tsk! Tsk! Tsk!

♫ Lizard, you are all alone in a crossroads... ♪










Ilang araw ka nang nakatihaya, butiking pundi, diyan sa sulok, malapit sa pinto. Anong nangyari? Wari'y paakyat ka sa dingding nang mahulog ka, kaya ganyan ang ayos mo, bulagta, nakataas ang tiyan. Sa gabi'y naiisip ko, ikaw ba'y nanghina dahil wala kang makain? Kung alam ko lang, di kita pababayaan; natutuwa ako kung may butiking pumiling tumira sa bahay na ito; kahit hindi ka pansin, ika'y kapuso na at kapamilya pa, ika nga.

Nakabulagta ka sa tabi ng pinto, kaya naghinuha akong gusto mong lumabas sa kuwartong puro kalakuti -- ayan, dalawang bariles ng San Miguel at malaking lata ng Heineken, mga posters, lata ng Coke, atbp. Walang lamok, kahit kulisap man, para magkalaman ang iyong munting tiyan. Di naman puwedeng kainin yung plastic na Jollibee, Rubik Cubes, mga kahon, bote, naka-Mylar na comics. Kung may mumo sana ng McDo, kahit pirasong SkyFlakes lang, tuloy-tuloy pa rin sana ang paggalugad mo sa kuwarto at nakita mo yung Batman Funko Pops ko at ang makukulay na mga bote ng Coca-Cola. 

Sabi ni Fatima Cielo, base sa liit mo, ikaw ay babae, dalaga (di ko alam kung my jowa ka na), at lagalag. Nalaglag ka sa paligid ng posters ng mga naggagandahang babae. Marahil sa daigdig ng butiki, ikaw din ay pangarap at panaginip ng maraming binatang butiki. Sa itaas mo, sa tabi ng pinto, ay ang "Girl Before a Mirror" ni Picasso. Yung babaing natutulog ay "The Dream," kay Picasso rin. Pinabili ko ang kopyang iyan sa anak ko sa New York dahil wala ito sa mga nagbebenta ng mga frames at posters sa buong Metro Manila. Sabi kasi nung madreng author ng "Sister Wendy's 1000 Masterpieces," ito ang pinakamaganda sa lahat ng painting sa mundo. Anyway, sa itaas at sa paligid-ligid ay si Marilyn Monroe. Masasabi ko sa iyo, butiking byuti, kahit sinong lalaki ay pipiliing sa huling sandali ay napapaligiran ng magagandang chikas.

Saan ka galing, munting kapamilya? Sigurado kong hindi ka salta sa ibang probinsiya; city girl ka. Girl interrupted nga lang. Naging kasama mo ako sa munting lugar na ito -- work room ko, daigdig mo. Paano mo pinalilipas ang maghapon? Natatandaan ko, nung teenager pa ako, ang hirap tunawin ang maghapong nakababagot dahil walang mapuntahan at magawa, kasi walang talent at walang datung. Paano pa kaya kung butiki kang walang classmates at walang allowance, walang gadgets at ka-textmate? Para kang taong nangangalakal (politically correct na patukoy sa nangangalkal ng basurahan para may maibenta sa junk shop para may perang ibili ng pagkain para hindi tumirik ang mata sa gutom). Sa sistema ng tao, mula dulo ng kasaysayan ng tao, masagwa, malupit at mapagkunwari ang buhay. Isipin mo, butiking kabahay, hindi krimen ang maging hikahos sa buhay ang karamihan, habang ang iba ay sobra-sobra ang pera, tirahan, sasakyan, at pagkain. Sobra rin sa relihiyon ngunit kulang sa tunay na kabutihan. At nagtataka sila kung bakit di nahihinto ang giyera at ibang sigalot sa buhay. Meron bang butiki massacre? May inggitan ba kayo sa laki ng tahanan o modelo ng handbag? Wala kang bank account, magaan ang loob mo dahil di ka niloloko ng Meralco, Manila Water, Globe/Smart; isang malaki-laking lamok lang ay buo na ang araw mo. Marahil alam ng mga butiki ang pagkabobo at pagkaganid ng mga tao. Lagi kong naririnig, pagsapit ng dilim, sa orasyon, ang inyong hatol: "Tsk! Tsk! Tsk! "