3:46 a.m.
Mainit, pero hindi ako pinagpapawisan dahil nasasapinan ng konting lamig ang dilim. Sabi ni Leena maginaw sa labas, ang sarap nga at nararamdaman niya mula sa bintana. Nagkumot pa. Ako naman parang gusto kong paikutin yung electric fan para dagdagan pa ng konting timpla ang lamig. Ganyan kami: Pag pinagpapawisan siya at binubuksan ang electric fan, ako ay nakabalot na ng kumot para di magyelo ang mga paa. Ang sagwa naman kung ma-frostbite ako dito sa polluted na sulok ng Project 8.
4:15
Walang Project 9. Di rin alam ni Leena kung bakit walang Project 1 saka Project 5. Alam kong may Project 6 -- doon kami galing; lumipat kami dito sa Project 8 mga pitong taon na. Ang ganda ng pangalan ng barangay namin: Bahay Toro. May Tandang Sora sa ibang parte ng QC, Holy Spirit, Libis, Imelda, pero dito kami sa Bahay Toro. Yey. Project 7 yung malapit sa SM North EDSA at Trinoma. Project 3 kina Elvie; sa paskel ng mga jeep may Proj. 2 at Proj. 4. Kinurakot siguro yung dalawang Project nang walang nakabantay na auditor. Ala namang umaangal, kaya ok lang.
4:40
Tahimik na ang mga kuliglig sa ganitong oras. Palagay ko nakahanap na sila ng partner at nag-o-orgy na sa maliit na sulok nilang Sodom at Gomorrah sa hardin ng kapitbahay. Yung tuko nila, ilang araw nang di naririnig yung nakatutuwang birit na "TUK-o!" "TUK-o!" Status symbol na ang tuko magmula nang kinikidnap sila ng mga smuggler para ibenta ng libo-libong dollar sa mga dayuhan. Aphrodisiac daw ito, para makatayo ang lampang bayang magiliw ng mga maniac na hindi na makasali sa sex festival ng mga makasalanang kuliglig. Biro mo, ang kikitaing dollars ng isang tuko ay mahigit pa sa ilang taong kayod ng isang caregiver o teacher-naging-housemaid abroad. Iba talaga ang kita pag may Project Sex.
5:14
Nagiging corny na ako. Makatulog na nga. Thank you, Lyrica. Bless you, Ribotril. Antay ka lang Thyrax, maya ka pa. Tritase, Thrombosil, pagkatapos ng almusal pa kayo, kayong mga personal kong perlas ng silanganan. Yeah, ang mamatay nang dahil sa inyo, baby. Gud morning, Liwayway, bumuka ka na.
Zzzzzzzz...
No comments:
Post a Comment