Hinahalughog ko ngayon yung mga malapit na bookstore para bilhin yung bagong edition ng UP Diksiyonaryong Filipino ni Virgilio Almario, aking gabay sa Tagalog o ang mas malawak na wikang Filipino.
Medyo atubili ako nang konti, kahit alam kong kailangan ko ito at bibilhin ko bandang huli.
Medyo nanlalamig lang ako pag nababasa ko yung mga inampon ng UP na mga banyagang salita, halos lahat mula sa English. Tulad ng "test" -- sa Filipino ng mga Filipino ni Rio Alma, inurirat pa niya kung ang tamang baybay nito ay "tes"; ang huling hatol ay hindi malalag yung huling "t." Ganyan din ang "k" sa "desk."
"Mayor" o "meyor"? Mayor. O, mas maigi, alkalde. Kung lasenggo si kagalang-galang, alakalde. Bise Presidente na si Jejemon Binay, pero laging Vice Ganda si la loca bongga. Major Major? Problema na ni Venus Raj yan.
Balik tayo sa yuping adhikain nitong mga tiga-UP. Ba't kailangang humiram habang meron naman tayong maayos na salita para sa test? Di pa ba sapat ang "pagsusuri" o "pagsusulit"? Ang tingin ko eh may pagsaalang-alang sa pagbigkas at sa paggamit.
"Marubdob na pagbati, kapatid, saan ang iyong patutunguhan?"
(Oy, 'tol, sa'n ang lakad?)
"Ala ey, may pagsusulit kami sa Agham at naantala ang dating ko; sige magkuro-kuro na lang tayo sansaglit."
(Oy, brods, may Science test kami at late na ko. Kita-kitakits na lang tayo maya't tsika tayo.)
Kitam?
Ok, kung lalagyan natin ng konsiderasyon ang pang-araw-araw na gamit ng salita para hindi tila nagbabalagtasan tayo lagi, sige, test na kung test, blakbord na sa halip na pisara. Kung gano'n tanggapin na rin ang makabagong jologs, kapalit ng huklubang baduy, para hindi tayo ondoyin sa pagtutol ng mga bagets, dba?
May tututol dahil ang mga salitang ito ay nakasandal lang sa pagka-uso at kukupas din at dagliang maglalaho. Ganyan naman talaga kung buhay ang lengguwahe, may isinisilang habang may tumatanda na't nakakaligtaan hanggang pumanaw. Pero habang nand'yan si Lolit Solis, maaalaala natin ang bansag niya kay Kris na "pukengkeng"; hindi pa tsugi 'yan, mader.
Yung mga gumagamit pa ng Latin ay walang ganyang problema: dedo na ito, tsong, at dahil walang interesado masyado, di na paglalaruan ito. Turing ng Gen-X sa gurang na Latin ay paso na ito. Sa mga magpipilit na napakahalaga ng Latin para basta-basta na lang maglaho, dapat ding isipin na mahalaga lang ito dahil ito marahil ang ginamit sa mga biblia nu'ng unang panahon. Lumagapak yung Roman Empire at nasalin sa Old English ang biblia. Dito sa Pinas, nasalin ito sa Kastila, siempre.
Bakit napunta sa biblia ang usapan natin? Importante kasi ang relihiyon, at Latin ang ginagamit sa ritwal at misa noon (at ngayon). Kaya dapat panalatihing buhay ito dahil dinala nito ang salita ng Diyos at ikinuwento nito ang buhay ni Jesus? Aba, kung gano'n hindi dapat namatay ang Aramaic, yung gamit na wika ni Jesus at mga kakosa at kabarangay niya. Mas mabilis sigurong makalusot ang mga panalanging Aramaic kaysa English sa itaas. Pero ganyan naman tayo eh: pag may sinusuyo kumakambyo tayo agad sa English dahil parang walang lakas itong sariling wika.
"Quiet na baby; see the moon. Sleep na babyyy...jejomar (jesus, joseph, mary) you naman eh." Hesusmaryosep!
Pero meron pa ring nananalangin sa wika natin. Paano kung hihingi ka kay Lord ng iPad, laptop o touch-screen na cellphone? Balik na sa Taglish. May hinala akong mutant itong UP Diksiyonaryong Filipino at kahit pa'no eh aampunin ang mga salitang ito.
In di long ran Ay wil stil bay di UP diksiyonari, bekows Ay wil nat lern haw tu yus di lenggweyds en wil heb meydyor meydyor prablem in may layf.
Kung ano ang bigkas, siya ang baybay. Sa imahinasyon (pagkatopak) ko, ito ang lalabas sa wika natin kung unli ang paghiram natin ng imports. Jejeje.
***
Sumbong: Wala sa binagong edisyon na ito ang mga sumusunod na salita: Pusoy, Pusoy-Dos, Iwas-Pusoy, Yosi, Borloloy, Nenok, Bototoy, Budol-Budol, Ativan, Akyat-Bahay, Kakosa, Boga, Istokwa, Askal (asong kalye), Pusakal (pusa naman), Bondying, Kikiam, Dikiam, Sarao...
Iniisip ko kung paano isisingit ang M-16, .45, GRO (parang LPG, spell out?), 8-Ball, 9-Ball.
Siguro makakatulong tayo kung may imumungkahi kayong mga salitang posibleng hindi pa rin naisali ng mga editor.
2001 Edition
No comments:
Post a Comment