Sunday, April 5, 2009

Buhay Electrolux


1.
Ilang buwan na palang sarado ang Electrolux branch dito sa Dau di ko nabalitaan agad. Wala na yung mga Fierang tagahatid-sundo sa mga nakakurbatang ahente nito. Kunsabagay nag-resign na sina Matt, Joey at Ranel – mga limang taon nang nakalipas. Alam ko, dahil nauna lang ako ng konti sa kanila.

Makisig ako noong ahente pa ako -- naka-long sleeves at kurbata din ako. Ang nakakasira lang ng porma ay yung hila-hila naming blue bag. Sa halip na mapagkamalan kang executive ay bistado agad na ahente ka lang ng vacuum cleaner. Kaya sa halip na taas-noo ang lakad mo ay nakatingin ka lagi sa lupa. Mahirap na, baka may masalubong na kakilala.


Isa pa, dahil nga kulay asul yung aming bag, tulad ng gamit ng ahente ng Yakult, napagkakamalan pa kami. Ito ang kuwento minsan ni Laverne: “Tinawag ako nu’ng isang ale, tuwang-tuwa ako at isip ko eh may prospect na agad ako. Paglapit ko eh ang tanong ba naman sa akin, ‘Miss, magkano ba yang Yakult?’ Naku, kung hindi lang mahirap ang buhay ngayon…”


At yun ang dahilan bakit pumasok kami sa Electrolux, mahirap ang buhay – noon at ngayon. Kung wala kang perang pantustos sa iyong pamilya, maghahanap ka kahit anong trabaho.


Bibili ka ng Bulletin at susuyurin mo ang mga anunsiyo. Ang una mong mapapansin ay napakaraming kompanyang naglalakihan na nangangailangan ng empleyado. Hindi totoong walang mapagtratrabahuan! Malalaki pa ang pasuweldo.


Pero hanep! basahin mo ang ang mga requirement: dapat ay college graduate ka, at kung maaari sana yung pinanggalingan mong university ang pangalan ay UP (yung sa Diliman, ha), Ateneo o UST. Kung ipagmamalaki mong galing ka sa Angeles University o Holy Angel College, sasabihin sa iyo: Meron bang ganu'n?


Sakali naming lusot ka sa unang kundisyon ay papatungan ng isa pa. Este, may job experience ka na? Kahit tatlo o limang taon man lang? Ayannn, experience daw. Iisipin mo, Papaano ako magkaka-experience eh nag-aaral ako noon?!
Wawaratin mo na sana yung diyaryo sa matinding inis, pero napansin mo yung Electrolux ad. Management trainee (Tuturuan akong maging manager agad!). No experience necessary (Ako ‘yon! Ako ‘yon!). Yahoo!!

2.

Si Management Trainee, ayun, alas onse na nang gabi nakaupo pa sa isang tipak na bato, kumakain ng Sky Flakes habang inaamuy-amoy ng mga asong katulad niyang naliligaw ng landas sa buhay.


“Shoo! Uwi ka na, gabing-gabi na nasa kalye ka pa. Ano ka ba, tao?” angil niya sa isang pangahas na idinikit pa ang malamig na ilong sa kanyang braso. “Putragis na Chris yan ah; alas diyes daw ako susunduin, hanggang ngayon wala pa.”

Habang wala pa yung susundo sa kanyang Fiera ng Electrolux, inilabas ni Mr. Sales Rep yung kanyang Demo sheet. Siya ‘yun, official Sales Representative ng Electrolux Corporation. Kung ayaw mong maniwala ipakikita niya sa iyo ang kanyang ID.


Ang una niyang natutuhan nang mag-apply siyang maging manager ng Dau branch ay (1) Meron nang manager; (2) Ang mga manager, naging supervisor muna; at (3) Yung mga supervisor, nagbenta muna ng sangkatutak na vacuum cleaner.
Kaya ayan siya, isang ahente de kurbata. May suweldo naman, minimum wage. At kung may magoyo siyang bumili ng vacuum cleaner na mahigit P10k ang halaga, may katapyas na komisyon. At least mataas nang konti yung ranggo niya kaysa du’n sa janitor nila.

Yung tinatawag na Demo Sheet naman, yun ang nagpapatunay na kumakayod ang ahenteng isinasalpak sa mga subdivision na pugad-mayaman. Bawat Electrolux Man may quota araw-araw: tatlong bahay ang dapat ma-knock-knock niya bawat lugar; sa tatlong knock-knock ay dapat makapasok siya kahit sa isa man lang. Sa tatlong mapasukang bahay, dapat makapagdemonstration siya kahit sa isa lang; at sa tatlong bahay na pinagpakitaan niya ng galing ng Electrolux, dapat makapagbenta siya – hah! – kahit isa.


Yung demonstration ang mahalaga dahil yun ang itinatala sa Demo Sheet. Tatlong demo bawat araw ang quota ng ahente. Yung pagpasok sa bahay hindi problema yun dahil tinuruan siya ng MICI (May I Come In) technique ng Electrolux. Lalong hindi mahirap mag-demonstrate dahil payag ang mga maybahay na linisin ang bahagi ng bahay nila. Pag nakita ni misis ang galing ng vacuum cleaner, maeengganyo iyan at itatanong: Magkano ba iyan?
Sa puntong iyan hihinga nang malalim si Electrolux Man at ipapakita ang Price List.

Matapos mahimasmasan si misis, ipapaliwanag naman sa kanya ng ahente na hindi naman kailangang bayaran nang buo agad – puwedeng installment plan! Kung hindi sinungaling si Management Trainee, hindi nalalayong ganito ang sales talk niya, lalo na kung hamak na de-suweldong titser and kausap niya:


“…Ayan, ma’am, matapos niyong isanla ang inyong bahay – malinis na bahay – may pang-down payment na kayo. Ngayon, kung tumigil-tigil muna sa pag-aaral itong inyong anak, at iwasan ninyo ang luhong kumain ng tatlong beses bawat araw, malaki ang pag-asang mabubuo rin ninyo ang kabayaran sa taong 2029…”


Kung tila nahihindikan pa rin ang ginang at halatang ayaw magsakripisyo, papipirmahan na lang siya ng magiting na Sales Rep sa Demo Sheet, bilang pagpapatibay na siya nga ay galing sa bahay na ito at nagpakitang-gilas.


At yan ang problema ni Mr. Demo nu'ng gabing sinisinghot siya ng aso: dadalawa pa lang ang napapirma niya at kailangang umimbento na naman siya ng ikatlong pangalan na pipilantikan ng pekeng pirma. Habang lumilikha siya ng fictional character, naisip niya kung laging ganoon na lang ba ang takbo ng buhay niya.


“Di bale!” bulalas niya sa nagulat na asong umaamoy sa tuhod niya. “Lalayas na ako bukas.” Naalala niya ang nangyari kahapon.


3.

Tapos na akong mananghalian: tulad ng dati, Sky Flakes at Pop Cola. Dighay ang meryenda. Hila-hila ko na naman ang blue bag sa trolley kong pang-Grade One. Dalawa na ang nagtanong kung magkano ang Yakult. Wala pa akong Demo.


Oops! Tinatawag ako ng hardinero sa kabilang kalsada. Pag humingi ito ng Yakult, uupakan ko na.

“Ano 'yon, bos?”


“Ah, ipinatatawag kayo ni Ma’am. Kung puwede ka raw makausap.


Pumasok ako. Sa bakod pa lang ay napuna ko nang sinakop nito ang buong bloke. Doon sa dinaanan kong hardin, yung taniman pa lang ng rosas ay puwede nang isalpak yung apartment na inuupahan namin ng misis ko. Mamahalin ang hagdanang marmol na hinakbangan ko. Yung sala maliit nang kaunti sa NAIA.

Nasa tabi ng mesita ang nagpatawag sa akin. Antique pareho – yung mesita at si Ma’am. Tantiya ko may isang daang taon na yung mesita; si Ma’am mas bata nang konti. Puti ang nakapusod niyang buhok, itim ang kanyang damit. Matangkad siya. Payat. Hindi titser si Ma’am.

“Please sit down. Maupo ka.” Nakatayo pa rin siya, hawak ang isang papel. “I hope you don’t mind at ipinatawag kita. Wala akong makausap. May gusto sana akong itanong sa iyo.


Hindi ako kumibo. Di ko alam ang sasabihin ko.


“Nasa States na ang mga anak ko; nag-iisa na lang ako rito. Ako si Mrs. Buan, at siya –“ Itinuro niya ang isang litrato sa dinding. “Siya si Mr. Buan, half-owner ng Philippine Rabbit Bus Corporation. Namatay na siya. Last year.”


Tiningnan ko ang litrato. Tiningnan ko si Ma’am.


“Dito na ako lumaki,” patuloy niya. “Dito rin ako nag-aral. In fact we are holding a class reunion. Dito sa bahay gagawin. Bukas. Ang gusto kong malaman – kaya kita ipinatawag – why is he still poor? Bakit hanggang ngayon mahirap pa siya?”


“Sino, Ma’am?” Ako, naghihirap din: di ko masakyan ang kambyo ng usapan.

“Mayroon akong kaklase noon, he’s the school principal now, si Mr. Bulalacao. Darating siya bukas.” Ipinakita niya sa akin ang mga pangalang nakalista sa hawak niyang papel. “Kilala rin siya ni Mr. Buan. Sa mga nakalipas na mga taon, nagdo-donate kami, my late husband and me, ng mga blackboards, desks, books sa school. Almost 40 years na ang lumipas, hanggang ngayon ay ganoon pa rin siya – poor.”

“Baka maraming bisyo si Mr. Bulalacao, Ma’am…”


“No. Hindi siya naninigarilyo, hindi siya mahilig sa alak o babae, everyday he gets up very early and works and works and…works. Alam mo, he’s almost 70 now and he still comes to school on his bicycle. Aside from that, nag-aahente rin siya, like you, pero insurance ang kanya. Napansin ko yung bahay ng pamilya niya, it’s very small, kahoy. Masipag siya, pero at his age kumakayod pa ring ganyan. Why?”


“I think I get your meaning, Ma’am. Siguro noong naging principal siya naging kuntento na. Siguro para sa kanya mataas na ‘yon, like being a manager. Ang hindi lang niya naitanong eh – manager of what?”

“Hmmm. You think so? By the way, what are you selling?”


“Ah, ano ho, complete cleaning device ng Electrolux. Gusto niyong makita?”


“No, never mind. I already have those, ipinadala ng anak ko from the States. She’s married to an appliance shopowner. Siyanga pala, would you like to have a snack? Merong Sky Flakes…”


“Ah, di bale na, Ma’am, thank you. But I would like to ask you a favor…” At inilabas ko and Demo Sheet.


4.

Nag-resign siya sa Electrolux matapos niyang makausap si Mrs. Buan, naalala niya. Limang taon na ang nakalipas. Umutang siya sa magulang niya ng pagpundar sa bookstore sa Dau. Sa tulong ng salesmanship na napulot niya sa Electrolux, lumago ito.


Sa loob ng tatlong taon nakabili na siya ng sariling bahay. Hindi naman kasinglaki ng kay Mrs. Buan, pero hindi ito kahoy. Laging malinis ang bahay dahil may vacuum cleaner. Siya ang nagturo sa misis niya sa paggamit nito. Marami silang alagang aso.


Sa tindahan niya sa Dau, meron siyang mesitang pinagpapatungan ng paa tuwing nagpapahinga siya at minumuni ang landas ng tadhanang naiwasan niya noon. Paminsan-minsan ay may maliligaw na Electrolux Man na may hila-hilang blue bag sa harap niya.


“Psst!” Tatawagin niya ito. “Magkano yang Yakult?” 



***
Ito ang una kong short story. Unang nalathala ito sa weekly The Angeles Sun sa Pampanga nung 1992. Nang magsara ang Sun, ipinadala ko sa Diyaryo Filipino para malaman ko kung papasa sa mahigpit na editor nitong broadsheet sa Maynila. Pumasa naman, at itinuring kong board exam ko sa pagsulat sa Filipino iyon. Lumabas din ito sa Philippine Graphic magazine na ang Panitikan editor noon ay si Jose Lacaba, na isa kong idol sa panunulat.

3 comments:

Mariel said...

"I'm gonna knock on your door/ Ring on your bell/ Tap on your window, too/ Tap-tap-tap!" :)

This is my favorite article of yours, I still remember reading it from before :)

I seriously think you have a career in Tagalog movie screenwriting!

Pogi said...

Talaga,parang Ricky Lee? I'm thinking of a sequel to his old film. The title will be "Himala ni Gloria"; it's about a tiyanak who became president of a country.
Hmmm...

Boy Experto said...

ang husay naman!