Saturday, February 21, 2009

LESONS POR TUDEY



1.

ISANG KASKASERONG DRAYBER ang nakabundol ng isang bagets na di marunong lumingon nang kaliwa’t kanan bago tumawid ng daan.

“Oops!” sabi ng drayber sabay baba sa dyipni niya. “Nasaktan ka ba, ‘tol?”

“Op kors! #@*% po, why are you driving-driving so fast naman kasi, ayan you hit me tuloy. It’s so ouch-ouch!”

“Saan ba ma-ouch-ouch, este, masakit pala? Aruu! Naputol pala itong is among paa. Halika, lagyan natin ng band-aid.”

“Never mind na lang po, anyway meron pa ‘kong isang paa. Pero next time naman don’t kaskas your sasakyan and make bundol-bundol the people.”

"O siya, siya. Nagmamadali kasi ako dahil manonood ako ng dyolens tournament sa barangay namin. Kasali sa finals ang lola ko at malaki-laki ang pusta ko. Pagbibigyan na lang kita sa katangahan mo. Pasalamat ka at mahaba ang pasensiya ko.”

“Naku, thank you very much po, ano.”

“Walang anuman. Babuh!”



ARAL:

Ang Pinoy, wala mang disiplina,
Mahaba naman ang pasensiya.
Problemang mabigat gumagaan
Dahil uso ang katangahan.



2.

“TEN-JACK-QUEEN-KING-ACE. Straight-big!”

Nandaraya na naman si Bopis; kung di sa lihis, idinadaan niya sa bilis. Straight-big daw, pero tingnan mo 'yung barahang inihagis: Diyes, Sota, Sota uli, Haring itinakip doon sa katabing sota para mapagkamalang kabayo o Reyna, at Alas. Straight daw, pero liku-liko.

Panalo na naman siya. Di naman masama ang loob ng mga kalaro niyang sina Hito at Teddy – Teddy raw, ipinanganak pong Teodocio 'yan – dahil kasabwat sila.

Ang dinadaya nila sa Pusoy-Dos ay isang bagong salta sa looban nila. Malaki-laki na rin ang natatalo sa kanya. Medyo malakas ang tayaan: 1-5-10 ang labanan. Ibig sabihin, piso bawat baraha, tiglilima 'yung tatlong Dos at sampung piso 'yung panginoring “butong pakwan,” ang Dos spade.

Nararamdaman ng tatlo na malapit nang matapos ang laro dahil kokonti na lang ang natitira sa kuwatro syentos na inilabas ng kanilang biktima. Tahimik lang ang pobre sa bawat balasa at nakamasid sa harap na dinding; tila mas interesado pa siya sa ginagawa ng dalawang bastos na ipis na magkadikit doon.

Kaya natalo na naman siya nang ilusot ni Docio, este, Teddy pala, 'yung "flush" niyang diyamanteng may halong puso. Malaki rin ang nakaltas sa kanya nang mag-full house na may nakasingit na sobrang tiyani si Hito.

Balasa uli. Sa pamamagitan ng daya at maniobra ay napaiwan ni Bopis ang pares na Dos, ang puso at butong pakwan.

“Plus 15, bwa-ha-ha-ha! Sori ‘tsong, di mo araw ngayon. Oops, kulang na pala ang eraps mo; di bale, balato ko na lang sa 'yo.”

Kakabirin na sana ni Bopis ang pera nang, por da pers taym, kumibo ang bago nilang “kaibigan.”

“Teka, pare, 'di pa naman tapos ang laro, ah.” Ipinatong niya sa pares na Dos ni Bopis ang dalawang baraha -- ang kuwatro at singkong spade.

Napabalikwas ang tatlo niyang kalaro.

"Ano?! Dalawang tiyani lang 'yan ah,” ngisngis ni Bopis. “Paano mananalo 'yang kuwatro at singko sa pares na dos? Sige nga, ipakita mo nga!”

“Eto o,” at inilabas ng estranghero ang .45 niya at ipinaypay sa sentido ng tatlong marunong naman palang rumespeto sa automatic. “Di ba panalo ang kuwarenta’y singko sa dalawang Dos?”


“Oo nga, ano!” Magkasabay na sagot ng tatlo. “Ang galing mo pala sa pusoy, Boss. Eto ang bayad namin. Aba! Nabawi mo na pala’ng lahat ng talo mo. O sige ha, tsip, hinihintay na ako ni kumander sa bahay at magsasaing pa pala ako!”

“Sandali lang. Hihingi sana ako ng tulong sa inyo. Di ba magkaibigan tayo?”

“Op kors, sir, yessir. Ano ang maitutulong namin? Sabihin mo lang, Boss.”

“Kasi may sakit akong nerbiyos, 'yun bang nanginginig ang aking kamay at daliri, at 'pag sumusumpong ito e lumalabas itong… ano ba’ng tawag dito sa lumalabas sa .45?”

“B-bala, Boss, bala.”

“Ah, oo. Bala. Minsan nga ninerbiyos ako at lumabas itong, ah, bala. Aksidente 'yon, nililinis ko itong si Mike Hammer nang makalabit ko ang gatilyo, pitong beses, at biglang inilibing iyong kaharap ko. Ba’t kaya siya inilibing, pare?”

“D-dahil namatay, Boss-tsip-ser, n-namatay.”

“Ayun, kaya pala. Ngayon, tila nararamdaman kong ibig na namang sumumpong itong nerbiyos ko. Pero may gamot diyan, may kamahalan nga lang. Uutang sana ako sa inyo.”

“O-okey, Boss, y-yun lang pala. Magkano ba’ng kailangan mo?”

“Tamang-tama lang 'yang tigku-kuwatro siyentos n’yo. Pero nahihiya ako senyo dahil baka sumama ang inyong loob. Alam mo naman, 'pag sumasama ang loob ng mga kaibigan ko, lalo akong ninenerbiyos. Baka masama ang loob niyo?”

“Aba, hindi, Boss, hindee! Eto o. Mahal talaga ang gamot mo, tsip. Ano ba’ng pangalan?”

“Marlene. Salamat ha. Talagang marunong kayong makipagkaibigan.”

Nang pauwi na ang bagong “kaibigan” nina Bopis, Hito at Teddy, nagmumuni-muni ito: Tamang-tama, maibibili ko ng Pizza Hut si Marlene – 'yung maraming mushroom ang ibibigay ko sa kanya, aphrodisiac daw ito. Ikukuwento ko sa kanya 'yung dalawang ipis tapos gagayahin namin.



ARAL:


Ang talinong tiwali
Ay dapat nang iwaksi;
Tuso man daw ang matsing,
Puwede namang barilin.
Unang lumabas ang kuwentong ito sa The Angeles Sun nu'ng October 1991.

No comments: